Sugat at Aral

Gusto kitang isulat pero hindi ko alam kung paano. Nasanay kasi akong isinusulat ka bilang isang masayang pangyayari, isang tulang puno ng pagmamahal kundi man isang masayang kwento ng inalay kong pagmamahal. Paano kita isusulat ngayong wala ng tayo? Sa pag alis mo, maisusulat pa kaya kita bilang isang masayang alaala?

Hindi ko pa rin maintindihan minsan kung bakit may mga tao tayong makikilala, papapasukin sa buhay natin at patutuluyin sa puso. Titira sila dito sa sandaling panahon para lang iwan itong puno ng lamat at marka ng pagmamahal na hindi nila napanindigan. Maiiwan tayong puno ng tanong – gano’n ba talaga tayo kadaling iwanan? Gaano ba kasapat ang pagmamahal na dapat nating ibigay para lang may manatili? Madalas tatanungin pa natin ang ating mga sarili kung saan tayo nagkulang.

Inisip kong ang pag-alis mo ay dahil hindi ko napunan ang puwang na gusto mong punuan ko sa buhay mo. Maaring hindi naging sapat para sayo ang kung ano man na kaya kong ibigay. Pwede ring hindi lang nagtagpo ang ideya mo at ideya ko sa klase ng relasyon na gusto nating mabuo. Ewan ko. Sa dami ng tanong na iniwan mo, hindi ko na pinagkaabalahang hanapan pa ang mga ito ng sagot isa-isa.

 Naisip kong may rason ang pagsisimula at pagtatapos ng mga bagay-bagay. Wala ring saysay kung paulit-ulit ko pang pagmumukmukan at paglalamayan ang mga dahilan ng pag-alis mo. Hindi na rin naman nito maibabalik ang dating tayo. Pero hindi natin kailangang magpasahan ng sisi sa kung sino man ang may kasalanan. Madalas, ang pagkukulang ay nasa magkabilang panig at hindi nasa iisang tao lang. Hindi lang ito nabibigyan ng pansin lalo na’t sanay tayong ibinabato ang sisi sa may pinakamalaking pagkakamali. Pero maliit man o malaki, matutunan dapat nating akuin ang mga ito dahil wala namang taong perpekto sa pakikipagrelasyon.

Sa pagdating ng pagkakataong magmamahal tayo ulit, sana ay magkaroon tayo ng mas malawak na pang-unawa sa lalim ng pagmamahal na gusto nating matanggap at handa nating ibigay. Dala ang aral ng lamat at sugat ng nagdaang pag-ibig, maging mas matapang tayong sumugal nang hindi nakakalimutan ang halaga ng ating mga sarili. Hindi rin natin kailangang kwestyunin ang kapasidad nating magmahal. At buo tayo bilang tao tanggapin man ng iba o hindi. Kaya kung meron man tayong mga pagkukulang, palagi pa rin tayong magiging sapat para sa tamang tao.

Mali ako nang isipin kong nawalan ako sa pag-alis mo. Ang katotohanan nito, nagkaroon ako ng pagkakataong punuin ang sarili ko ng pagpapahalaga. Isang bagay na hindi ko nagawa noon dahil ang pagtingin mo ang mas una kong pinahahalagahan. At sa huling pagkakataon na maisulat ka ay masaya ako dahil hindi man kita naisulat na isang masayang akda, naisulat naman kita bilang isang aral.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s