Masakit na biro ni Tadhana

Madalas ko pa ring itinatanong sa sarili ko kung ano kaya ang rason bakit nakilala kita. Bakit sa layo ng distansya nating dalawa, nagkaroon tayo ng hindi pangkaraniwang koneksyon. Solid, yung umaabot sa magkabilang dulo ng bansa pero hindi kasing choppy ng linya ng telepono natin sa tuwing mag uusap tayo sa madaling araw. Yung dahilan ng payapa kong paggising ko sa umaga sa kabila ng iilang oras na tulog bago magbukang-liwayway. Yung nagpapasakit ng tyan ko sa kakatawa habang natutulog na lahat ng kasama ko sa bahay. Parang hindi milya-milyang kapatagan o dagat ang pagitan nating dalawa. Parang ang lapit mo lang. Parang nandito ka lang. Sana nandito ka na lang.

Pero malayo ka.  At bukod sa distansyang naglalayo sa ating dalawa, nagsusumigaw ang katotohanang   malabong maging akin ka pa. Nalito yata ang tadhana at nakulitan sa kakahiling ko kaya bigla nya akong naitulak papunta sayo. Nang hawakan mo ang mga kamay ko para saluhin ako, isa lang ang ginamit mo. Sa pagkapit ko sayo, hindi  ko agad  napansin ang ibang kamay na mahigpit na nakapulupot ang mga daliri sa kabilang palad mo. Teka, hindi nga ba? O hindi ko lang binigyang pansin dahil inisip kong kaya ko naming higpitan ang pagkapit ko sayo. Binaliwala ko ang kamay na nakakapit sa kabilang kamay mo. Sinubukan kong hilahin ka palayo at umasang isang araw ay aalpas din ang mga daliri nya sa mga palad mo. Buong akala ko ako ang humihila sayo, pero nagkamali ako. Dahil habang hinihila kita ako pala ang lumalapit. At lumalapit. At lumapit.. Hanggang sa mamalayan kong mas mahigpit na ang hawak ko sa mga palad mo na tila ayaw itong pakawalan, pero ganun ka din sa pala kanya. Unti-unting nanlumo ang mga tuhod ko at lumuwag ang gapos ng mga palad ko mula sayo. Gusto kong tumakbo palayo. Gusto kong kalimutan ang init ng mga palad mo sa mga kamay ko. Pero nananatili akong  nakatayo, nakatingin sa mga mata mo kung san hinahanap ko ang kinang ng pangalan ko. Hinihintay kong marinig mula sa labi mo ang matamis sa pandinig na katagang ginagamit mo sa tuwing lalambingin mo ako.

Lumabas ang mga kataga, pero mapait ang dating ng mga salita sa pandinig ko.  Bawat matamis na salitang binibitawan mo ay parang kutsilyong tumatarak sa puso ko. At nang tingnan ko ang mga mata mo, hindi na mababakas ang ano mang letra ng pangalan ko. Hindi ko na maaninag ang mga imahe ng mga pangarap at pangakong binitawan natin sa isat isa. Malamig ang mga kamay, tinalikuran kita. Sinubukan mong muling abutin ang mga palad ko pero tama na siguro. Kung hindi mo ako kayang hawakan ng dalawang kamay mo, pakawalan mo na lang ako.  Ang pagbitaw ko sayo ay hindi nangangahulugan ng pagtatapos ng pagmamahal ko.  Dahil alam ko mamahalin pa rin kita mula sa malayo, habang paulit-ulit  na itinatanong sa sarili ko, “bakit pa nga ba nagkakilala tayo?”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s