Dear You

Nagmahal ka na ba nang sobra? Naghintay sa walang kasiguraduhan? o baka naman ikaw ang minahal nang sobra at  hinintay?

Minsan sa buhay may mga damdamin na mahirap ipaliwanag at pigilan. Minsan may mga pagmamahal na hindi nasusuklian. Pero madalas sa mga minsan na yun, susugal ka pa rin kahit hindi mo alam kung anong kahihinatnan. Minsan na rin akong nagmahal. At ito ay para sa minsan na ‘yon.

Dear You,

Oo, ikaw. Ikaw na pagkatapos ng mahabang panahon, hinihintay ko pa rin. Umaasa na isang araw makita at makausap ka. Na sa nakalipas na pitong taon, gusto ko pa ring makilala nang totoo. Pero madaya ang tadhana. Ipinakilala ka niya sakin pero hindi buo, pagkatapos hindi naman ako binigyan ng pagkakataong gumawa ng paraan para ipagpatuloy na kilalanin ka pa.

Sa mga panahong to, mahigit isang taon na yata simula nang bitiwan ko ang anumang titulo na meron tayo. Mahigit isang linggo na simula nang huminto tayong mag-usap. Walang kahit anong komunikasyon.. Parang ang tagal na. Pero bakit ganun? May mga araw at oras pa ring bigla bigla kang pumapasok sa isip ko? Kahit ilang ulit kitang itaboy sa puso ko, paulit-ulit kang bumabalik sa isip ko at tumatagos pabalik sa kasuluk-sulukang bahagi ng puso ko kung saan ka namalagi sa matagal na panahon.

Ang daya mo. Pinuno mo ako ng mga pangako sa bawat araw ng bawat taong lumipas. Pangakong pinanghawakan ko, at oo, hanggang ngayon pinanghahawakan ko pa rin. Kahit malabo. Kahit imposible. Malinaw pa sa isip ko ang mga pangarap at mga planong sabay nating binuo. Ang mga salitang alam kong may kalakip na pagmamahal kahit hindi ko naririnig mula sa labi mo. Na inasahan kong maririnig din balang araw. Naghintay ako. Madaya ka.

Dumating ang araw na nagsimula na akong tanungin ang sarili ko. Dadating ka pa nga ba? Kaya ko pa bang maghintay?  Anong garantiya kong may hinihintay pa nga ako? Ano nga ba? Wala. Kung tutuusin, simula pa lang wala naman na talaga. Lahat, parang imahinasyon lang. Lahat, parang isang panaginip lang. Dumating ang reyalisasyon. Hindi totoo ang mga alaalang meron ako sayo. Oo, imahinasyon lang ang lahat. Imahinasyong binuo ng isip ko habang hinihintay ang mga totoo sanang alaala. Na hindi dumating. Hindi nangyari. Nanatiling imahinasyon lang ang lahat. At natapos na isang panaginip. Sumuko ako. Umayaw. Napagod. Nawalan ng pag-asa. Bumitaw.

Sa bawat araw na dumaan, nabawasan ang mga oras na laman ka ng isip ko. Nabawasan ang mga pagkakataong gusto kong banggitin ang pangalan mo. Hanapin ang number mo at padalhan ng mensahe. Pero pinigilan ko ang sarili ko. Hanggang sa unti unti nawala ka sa sistema ko. Akala ko nakalimutan na kita. Oo, akala ko lang. Baka minsan. Kasi ang totoo, hindi ko alam kung gusto na ba talaga kitang kalimutan. Kung handa na ba akong kalimutan ka. Kaya ko na ba? Pero bakit parang sariwa pa ang mga pekeng alaala? Dahil siguro hindi kasing peke ng mga alaala ang naramdaman ko para sayo.

Kung may tunay man sa lahat ng to, eto na siguro yun. Yung pagmamahal na ibinuhos ko sa mahigit limang taon, na ginugol natin sa pagbuo ng mga pangarap.  Yung pagmamahal na dahilan kung bakit hindi ko magawang tuluyang talikuran ang lahat kahit pa matagal na kong bumitaw. Yung pagmamahal na nagtatali sakin sa mga planong meron tayong dalawa. Yun pagmamahal na gusto kong mawala pero nananatiling malalim at tila permanente na. Yung pagmamahal na hanggang ngayon nananatiling buo sa isang bahagi ng puso ko.

Hindi patas ang buhay. Mapaglaro ang tadhana. Kung ang pagmamahal ay isang laro, sa larong ito, ako na marahil ang talo. Pero wala ako ni katiting na pagsisisi. Naging masaya naman ako. Pinasaya ako ng mga pekeng alaala. At ang mga alaalang ito ang magiging patunay na minsan nagkaroon ako ng pagkakataong magbigay ng sobra sobrang pagmamahal. Hindi man nasuklian, o kung nasuklian man lingid sa aking kaalaman, mananatiling tapat, tunay at walang kapantay.

Hindi ko sasabihing ibinigay ko ito sa maling tao. Dahil minsan sa buhay ko, ikaw ang naging pinakatamang tao sa larong ito. Sa pagtatapos ng lahat, masaya akong maghahanda sa pagbuo muli ng aking sarili para sa mga susunod pang hamon ng tadhana. Hindi ako mapapagod tumaya sa bawat laro ng pagmamahal hanggang sa dumating ang taong magiging kakampi ko sa pagharap sa laro ng buhay. At sa susunod na magmamahal akong muli, ibibigay ko pa rin ito ng buo sa tamang tao, sa tamang pagkakataon pagdating ng tamang panahon.

Nagmamahal (pero ‘di na sayo),

AKO

5 thoughts on “Dear You

  1. Sa tingin ko, ipinakilala sa’yo ang taong yun para bigyan ka ng kahandaan para sa mga darating pa. Yap, kahit kailan ay hindi naging patas ang mundo kaya ang tanging kailangan lang natin ay ang magpatuloy.

    Maligayang Pasko sa’yo ^_^

    Liked by 1 person

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s